Monday, January 31, 2011

P-Noy abala raw sa bagong "mahal" niya

Natutunugan daw ng mga makaranasan na sa pulitika ang kapritsuhan nitong si Presidente Noynoy Aquino. Nalaman daw kasi nila na walang work ethics itong si P-Noy dahil hindi nagsisimula ng 9am ang kaniyang pagpasok at simula ng trabaho.

Kaya nahahalata na ito ng mga ka-kontemporaryo ng kaniyang mga magulang sa pulitika na akala raw ni P-Noy e "binata" pa siya hanggang ngayon na walang mabigat na pananagutan. Nabalitaan kasi nila na halos dalawang oras na naghintay ang mga bagong aprobadong heneral para manumpa sa kaniya sa Palasyo. Nagpaliwanag ang Malacanang pero hindi tinanggap ang "palusot" na iyon.

Nalaman din ng isang dating Senador na kinakabahan daw palagi ang mga guwardiya ni P-Noy dahil madaling araw kung isama ng kanilang amo ang bagong kinahihiligan nito at dis-soras pa ng gabi kung sila ay lumalabas. Ang pangalan ng bagong "kinahuhumalingan ni P-Noy ay Porsche.



Alam naman natin ma mama-maximize mo ang paggamit ng ganitong uri ng mga sasakyan sa malalapad na daan at walang trapik. Kaya madaling araw kung ilabas ni P-Noy itong si Porshce at habol ng habol itong PSG dahil napakabilis nga ng Porsche. Paborito daw puntahan ni P-Noy ang Clark at Tarlac.

Sabi naman ng ilan pagbigyan na lang daw ang Presidente dahil wala naman siyang pagkakaabalahan na "babae" kundi itong si Porsche na lamang.

Hindi mo naman pwedeng itulad si P-Noy kay Bossing Vic Sotto na maliban sa binata e may bagong kinahihiligan naman pagkatapos ng kaniyang relasyon kay Pia Guanio.



Ang pangalan ng bagong pinagkakaabalahan ngayon ni Vic Sotto ay may pangalang Maserrati.

Mga Ehipsyo mukhang mag-aala EDSA Rebolusyon

Pinangangambahang matulad sa EDSA Rebolusyon ang mga nangyayari sa Ehipto sa kasalukuyan. Mayroon ng humigit kumulang sa 200 ang mga namatay sa pagitan ng mga nagpo-protesta at mga pulis. Nais nilang bumaba na sa puwesto si Husni Mubarak, ang authoritarian ruler ng bansa sa loob ng 30 taon.



Hindi naman maikakailang ganito rin ang gustong mangyari ni US President Barack Obama bagama't hindi nito sinasabi ng deretsahan kay President Mubarak.



Ayon sa kasaysayan sa pagitan ng dalawang bansa, ang Ehipto ay isang allied country na sinusuportahan ng US sa strategic area ng Middle East kasama na ang Saudi Arabia. Kung aalisin kasi ng US ang suporta nito ng hayagan sa Ehipto malamang na marami sa mga kaalyadong bansa ang mawawalan ng tiwala dito at maaaring bumitiw na sa suporta sa US laban sa terorismo. Alam ng US na napakahalaga ng suporta ng mga bansa mula sa bawat estratihikong lokasyon sa buong mundo upang mapanatili nito ang empluwensiya bilang ikapitong tagapamahala ng mundo kasama ang Britanya.

Saturday, January 29, 2011

Baril ng sibilyan mas marami kaysa sa mga alagad ng batas

Ito ang nakaka-shock. Ayon sa kamakailang pag-aaral napatunayan na mas marami pala ang baril na inisyu sa mga sibilyan kumpara sa baril na hawak ng mga alagad ng batas. Bumangon ang isyung ito dahil na rin sa sunod-sunod na mga krimen na nagyayari sa ating bansa.



Ayon kay Jennifer Santiago Oreta, propesor ng Ateneo de Manila University at awtor ng More Guns, More Risks, na noong unang bahagi ng 2008 mayroon ng 1,081,074 lisensiyadong baril sa buong bansa. Kalahati nito (517,341) ay nasa National Capital Region. At ang nakagugulat pa ayon kay Oreta ay na sangkatlo ng lahat ng legal na mga sandata ay hawak ng pulis, militar, empliyado ng pamahalaan, elected officials, reservists kasama na ang nasa diplomatic corps.



Lumalabas na dalawa sa tatlong (69.85%) legal na armas ay hawak ng sibilyan. Siyempre pa hindi pa rito kasama ang mga ilegal na sandata.  At hindi biro ang mga kalibre ng mga baril na ito, de-kalibre ang mga ito ayon pa kay Oreta.



Friday, January 28, 2011

SIM Card registration muling ipinanukala

Naging malaking isyu na naman ang SIM Card registration kasunod ng kamakailang pagpapasabog sa isang bus sa Makati dahil ayon sa imbestigasyon cellular phone daw ang ginamit sa pagpapasabog. Ayon sa ilan dapat ng ipatupad ang pagpaparehistro ng [prepaid] SIM card upang matukoy kung sino ang may-ari ng naturang SIM card na ginamit.



Tutol naman ang iba dahil baka raw nakawin ang kanilang mobile phone at gamitin ang SIM card nito sa terorismo at sila ang mapagbintangan. Ikinakatuwiran pa ng ilan na dahil sa hindi mahusay ang judicial system sa ating bansa baka maaaring may mapaparusahan na naman na mga inosenteng sibilyan.

P50M "pabaon" kay dating AFP Chief of Staff Angelo Reyes

Wow naman! Hanep. Kaya naman pala matinding lobby ang ginagawa ng marami para lamang maging AFP Chief of Staff. Isiniwalat ng dating kasamahan ni Reyes na "tradisyon" na daw sa AFP ang "pabaon" na [milyun-milyong] pera sa sinumang nagretiro na AFP Chief. Parang gusto ko na rin tuloy maging AFP Chief as in Ako Fahingi din ng Pabaon.

Naturalmente aasahan mo na idi-deny ito ng sinumang retired AFP Chief tulad ng ginawang denial ni Reyes. Kunsabagay hayaan muna nating umusad ang imbestigasyon ng Senado para malaman natin sa dakong huli kung marami pa ngang isasangkot si General Garcia et al at totoo ngang nakinabang si Reyes.

Napansin ko rin na matindi ang pagdiriin ni Sen. Estrada kay Reyes lalo na sa mga tanong at pasaring nito. Hindi lingid sa kaalaman ng marami na masamang-masama ang loob ni Jinggoy at lalo na ni dating Presidente Erap Estrada kay Reyes dahil sa pagbaligtad o pag-abanduna nito noong 2001 kung saan napilitang umalis ng Palasyo ang pamilyang Esrada dahil sa pagbitiw ng suporta ni Reyes na itinuturing na huling "alas" ng sinumang nasa Palasyo.

Wednesday, January 26, 2011

Bus bombing sa Makati gawa ng Abu Sayyaf?

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa matukoy kung Abu Sayyaf nga ang may kagagawan ng pagpapasabog sa isang bus sa may Edsa-Buendia Lungsod ng Makati kamakailan.Hindi pa rin naman inaako ng Abu Sayyaf ang naturang malagim na pangyayari.

Sino man ang gumawa nito ay hindi dapat pamarisan at sana'y madakip kaagad ang may gawa nito nang sa gayon ay masampahan ng kaso at kung napatunayang nagkasala ay mahatulan ora mismo. Nakikiisa tayo sa pagkondena sa nasabing kahindik-hindik na pangyayari at nakikiramay sa mga naulila ng mga namatay nating kababayan.



Ano kaya ang maaaring motibo ng may gawa nito? Posible kaya ang mga ito:
  1. Destabilisasyon kaya sa pamahalaang Aquino?
  2. Dili kaya'y inililigaw lamang ang atensiyon ng sambayanan mula sa ibang kontrobersiyal na mga pangyayari sa kasalukuyan tulad ng kaso ni General Garcia at Dominguez carnap group?
  3. Makatuwin kayang isipin na nagpaparamdam na naman muli ang mga kulang sa pansin na mga terorista?
Hangad natin na magkaroon kaagad ng positibong resulta ang ginagawang imbestigasyon nang sa gayon ay makausad na tayong muli. Sana'y hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga biktima, namatay man o nasugatan.